Thursday, January 14, 2021

Isang Ina na madalas kasama ang anak sa trabaho at pag-aaral, Nakapagtapos ng Kolehiyo dahil sa sipag at tiyaga

Tags


Hindi biro ang mga responsibilidad na ginagampanan ng bawat ina upang masiguro na mapalaki nila ng maayos at tama ang kanilang mga anak. Nariyan ang iba't ibang uri ng sakripisyo na handa nilang gawin maliban pa sa sakit na kailangan nilang harapin sa panganganak. Kaya naman talaga namang nakakabilib na makita ang mga kababaihan na sa kabila ng pagkakaroon ng anak ay ipinagpapatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral.

Isa na nga rito ang kwento ng 36-taong gulang na babae na naging viral sa social media dahil sa dedikasyon nitong makamit ang kaniyang pangarap na balang araw ay maging isang guro.


Nakilala siya bilang si Ira Lectana Baldonaza at nag-aaral siya noon sa Eastern Samar State University sa kursong Education. Kaliwa't kanan ang mga natatanggap niyang diskriminasyon mula sa ibang tao lalo na at may katandaan na siya nang pumasok sa kolehiyo. Nadagdagan pa ang pagsubok nito nang mabuntis siya noong nasa 4th year college na at hindi niya pwedeng maiwan ang anak sa kaniyang mga kamag-anak lalo na at nagkaroon ito ng pambihirang kondisyon na G6PD, isang generic disorder.



Ayon sa mga eksperto, mas magiging maayos ang kalagayan ng bata kung ipagpapatuloy ni Ira ang breastfeeding kaya naman nakiusap siya sa pamunuan ng paaralan na payagan siyang isama ang anak sa kaniyang klase.

"I have no choice kundi isama anak ko, kasi sa school bawal magdala ng babies but since may G6PD siya, pinayagan ako. Mahirap sobra pero kinaya ko. And that starts na naging classmate ko anak ko.”, paglalahad ni Ira.


Sa kabutihang palad ay pinagbigyan naman siya sa kaniyang hiling at laking gulat niya dahil marami ang gustong tumulong sa pag-aalaga ng kaniyang baby na si Tania Carmel. Nangunguna na dito ang kaniyang mga kaklase na salitan sa pagkarga sa bata at maging ang kanilang guro ay siya ring nagbabantay kay Tania kapag mayroong exam. Samantala, nagdadala naman ng stroller si Ira upang makatulog ng mahimbing ang kaniyang anak habang nasa loob ng silid-aralan.


Makalipas ang isang taon ay nakapagtapos ng kolehiyo si Ira at ngayon ay maari nang makapagturo bilang isang guro. Laking pasasalamat niya sa mga taong tumulong upang malagpasan ang pagsubok na kaniyang pinagdaanan at higit sa lahat sa Maykapal na nagbigay sa kaniya ng isang anghel na si Tania.



"Thank you to all teaching and non-teaching staff of COED, sobrang supportive nilang lahat. Thank you for everything and I’m forever grateful.”, taos-pusong pasasalamat ni Ira.

Tunay ngang walang problema na hindi kayang solusyunan kapag tayo ay nagtutulungan.


EmoticonEmoticon