Monday, November 16, 2020

Isang Waiter ang Nakapundar na ng Sariling Bahay Kahit Minamaliit lamang siya noon dahil sa kaniyang Trabaho

Tags


Sadya ngang hindi natin hawak ang mangyayari sa kinabukasan at maaring ang mga bagay na pinaplano natin ngayon ay umayon sa ating kagustuhan o di kaya naman ito ay maging kabaliktaran. Maaring ang mga tao na noo'y minamaliit natin ay siya palang magiging matagumpay at makakapagbigay pa ng tulong sa atin. Kaya naman, mas mainam na huwag nalang manghusga at magsalita ng patapos sa halip ay gumawa nalang ng kabutihan sa lahat ng pagkakataon. 

Halos ganito ang naging kwento ng isang lalaking waiter na noon ay kaliwa't kanan ang naranasan na pagmamaliit at kung anu-anong negatibong salita mula sa ibang tao. 

Nakilala siya bilang si Jhay Suarez Tuyor at sa kaniya mismong Facebook account ay ibinahagi niya kung papaano nabuo ang kaniyang dream house sa loob ng walong taong pagtatrabaho bilang waiter. 


"Sa pagiging waiter ko po mula 2004 hanggang 2012 ay natupad ang pangarap ko na makapagpatayo ng sarili kong bahay. Bawat sentimo ng sahod ko ay dito ko inilaan mula sa mga hollow blocks pati tiles lahat.", pagkukwento ni Jhay. 


Sa kaniyang pagtatrabaho ay iba't ibang uri ng tao ang kaniyang nakasalamuha at ang ilan ay nagbigay sa kaniya ng inspirasyon na magpatuloy samantalang ang ilan ay pilit siyang ibinababa. 


"Waiter ka lang pala, oh mag praktis kana mag bugaw ng langaw dito sa hapag kainan,” ilan lamang sa mga pangmamaliit na kaniyang naririnig. May mga pagkakataon pa nga na naikukumpara ang halaga ni Jhay bilang tao sa damit ng mga customer na minsan ay natapunan niya ng inumin. 

Ganoon pa man, hindi siya nagpatalo sa mga ito at sa halip ay mas lalong minahal ang kaniyang sarili at nagsumikap na mapabuti ang estado ng kaniyang buhay.

Hindi nga siya nabigo sa kaniyang hangarin dahil makalipas ang walong taon ay nakangiti niyang ipinakita sa publiko kung ano ang maaring mangyari sa isang taong pursigidong maabot ang kaniyang pangarap. 


Ngayon ay mayroon ng magarang tahanan si Jhay. Ito ay konkreto, mayroong dalawang palapag at ang sahig ay puno ng makikintab na tiles. Dahil dito, maraming netizens ang humanga sa kaniya at sila din ay nagkaroon ng inspirasyon na balang araw ay makakamit rin nila ang kanilang minimithi. 



Ika nga ni Jhay, trabaho lang ng trabaho ang mahalaga ay wala kang tinatapakang tao. 


"Wag kang mapapagod kaibigan, nasa kabilang buhay ang pahinga ,habang bata tayo kayod lang ng kayod tapos wag ka magpapatukso sa kung anung meron yung tropa mo... mas masaya magpakasarap sa huli, kesa panay ka pasarap ngayon, ending? walang humpay na kayod..", payo ni Jhay sa kapwa netizens. 


Tunay ngang mas mainam na kumayod habang maaga pa kaysa magpakasarap sa una at sa huli ay magdusa.


EmoticonEmoticon