Isa ang plastic sa pinakahinaharap na problema ng mga tao ngayon dahil na rin sa perwisyong naidudulot nito sa ating kalikasan. Isa rin ito sa mahirap tanggalin sa ating bansa dahil na rin mas convenient itong gamitin at madali na lamang itong itapon. Subalit ang paggamit nito ay siyang dahilan kung bakit tayo nagkakaroon ng mga baha at limpak limpak na mga basura.
Kaugnay nito, ang gobyerno at ilang pribadong sektor maging indibidwal ay nagkaroon ng kani-kaniyang paraan kung papaano mababawasan paggamit ng plastik.
Sa katunayan, isang paaralan ang kamakailan lang ay umani ng papuri dahil sa pagiging eco-friendly nito!
Ito ay walang iba kundi ang Papatahan Integrated National High School na matatagpuan sa Paete, Laguna. Sa mga larawang ibinahagi ng mga concerned netizens online ay makikita ang nasabing canteen na mayroong pagkakahawig sa isang bahay kubo. Halos puro kahoy ang materyales nito na mayroong yerong bubong at preskong tambayan para sa mga estudyante.
Ang talaga namang nakakamangha sa kakaibang canteen na ito ay ang mga kagamitan na ginagamit nila sa pagtitinda ng pagkain. Nariyan ang mga hinabing plato na gawa sa neto at pinatungan ng dahon ng saging.
Maging ang kanilang mga sandok, kutsara at lalagyan ng mga ulam ay gawa rin sa kahoy o di kaya naman ay bao ng niyog. Samantala, ang ginagamit naman nilang baso at straw para sa mga inumin ay gawa sa kawayan.
Talaga namang nakakamagha ang ideyang ito ng nasabing paaralan kaya naman hindi nakakapagtakang purihin sila ng mga netizens. Ang nakakatuwang parte pa nito ay ang mga kabataan na sa murang edad ay namulat na sa kahalagahan ng paggamit ng mga bagay na makakatulong sa ating kalikasan sa halip na makakasira nito.
Maaaring noong una ay nahirapan sila sa ganitong kaugalian, ngunit dahil sa magandang pamamalakad ng paaralan ay nakasanayan na rin nila ang bagay na ito. Nawa ay nagsilbi itong inspirasyon sa atin at maipamana rin natin sa mga susunod pang henerasyon.
EmoticonEmoticon