Dahil sa COVID-19 ay tila hindi lamang ang mga klase at trabaho ng karamihan ang nakansela kundi maging ang nakasanayang outing ng pamilya o barkada tuwing sasapit ang panahon ng tag-init.
Dahil rito ay kanya-kanyang paraan ang bawat pamilya upang makapag-swimming pa rin kahit papaano ang mga ito, nariyan ang mga nabibiling inflatable pools o mga batya, habang ang ilan naman ay gumawa ng sarili nilang DIY pools. Isang Lolo naman mula sa Pampanga ang nakaisip ring gumawa ng kanilang maliit na pool upang mapasaya ang kanyang mga apo.
Ibinahagi ni Blessie Mangubat sa social media ang paggawa ng kanyang amang si Wilfredo Mangubat ng isang pool mula sa kanilang dating pig pen. Nainggit umano ang mga pamangkin niya dahil halos lahat ng kanilang mga kapitbahay ay nagsibili ng inflatable pools at nais sanang makiligo ng mga bata, ngunit malilikot ang mga ito kaya hindi pinayagan.
Dahil rito, naisip ni Lolo Wilfredo na gawan ng sariling pool ang mga bata nang sa gayun ay hindi na mainggit ang mga ito. Isang tricycle driver at construction worker si Lolo kaya naman alam na nito ang dapat gawin.
Ika-3 ng Mayo raw sinimulan ni Lolo Wilfredo ang nasabing proyekto at natapos nito iyon sa loob lamang ng 6 na araw. Sa halagang 4000 pesos ay nakagawa na sila ng pool na pang-matagalan, mabuti na lamang rin daw ay kahit papaano buo na ang istraktura dahil dati nga iyong pig pen, kaya kinailangan na lamang nilang bumili ng ilang materyales upang dagdagan at ayusin ang ilang bagay.
Nang matapos ang pool ay pinintahan ng pinsan ni Blessie na si Hannie Reyes ang paligid ng pool upang maging mas maganda sa paningin ang kanilang pagliliguan.
Agad namang naligo ang mga apo ni Lolo Wilfredo na sina Rica Mae, Ricailla Maine at Rick Alfred nang tuluyang matuyo ang pintura ng pool at mapuno ito ng tubig. Ang nasabing post na ito ay umani ng mahigit 65,000 shares at 7 libong comments.
Hindi naman maiwasan ng iba na magpahayag ng kanilang pag-aalala tungkol sa kalinisan at kaligtasan ng mga bata sa pagligo, ngunit nilinaw naman ni Blessie na ang pool ay mayroong drainage para madali nilang mapalitan ang tubig at naglalagay rin daw sila ng kaunting chlorine upang mapanatiling ligtas mula sa bacteria ang tubig.
EmoticonEmoticon