Friday, May 29, 2020

Isang Kapitan ang Namahagi ng mga Libreng Upo na Gulay sa mga Motorista!




Ang tila bangungot na nangyayari sa buong mundo ngayon dala ng COVID-19 ay talagang sumusubok sa katatagan ng bawat isa. Hindi biro ang mawalan ng hanap buhay, pagbagsak ng mga negosyo at kung anu-ano pang pwedeng pagkakitaan, kaya naman ang anumang tulong--kahit gaano pa kaliit, ay napakalaking bagay na. 

Sa panahon ng matinding pagsubok ay nangingibabaw rin ang kabaitan at pagiging matulungin ng marami, kagaya na lamang ng isang butihing opisyal sa isang barangay sa Imus.



Isang lalaki sa Imus, Cavite ang namataang namimigay ng mga gulay na upo sa mga dumaraang motorista sa kalsada. Maaaring inakala ng iba na nagbebenta ito ng gulay dahil pinapara nito ang bawat dumaraan sa kalyeng iyon, ngunit ang mga upo na iyon ay ipinamamahagi lamang nito nang libre. 


Ang lalaking ito ay napag-alamang kapitan pala ng Barangay Bucandala IV sa may Imus, Cavite. Siya si Kapitan Gary Bacos at kilala na ito roon sa kanyang pagiging natural na matulungin, sa katunayan ay hindi lamang ang pamimigay ng gulay ang una nitong ginawa para makatulong sa mga tao. 





Hindi pa man umano naipapatupad ang ECQ sa buong isla ng Luzon ay aktibo na ito sa pamamahagi ng tulong para sa kanyang mga nasasakupan. Maliban rito ay nakapaghatid na rin ito ng tulong noon sa mga taong apektado sa pagsabog ng Bulkang Taal ilang buwan na rin ang nakalilipas, kaya naman masasabing hindi limitado ang kanyang pagtulong sa mga taong malalapit lamang sa kanya kundi pati na rin ang mga nasa malalayo. 


Ngayong panahon ng krisis ay alam nitong napakahalaga ng tungkulin nito sa kanyang komunidad, kaya naman mas lalo pa nitong pinag-igihan ang pamamahagi ng ano mang tulong na kaya niyang iabot. 


Tunay na kahanga-hanga ang mga katulad ni Kapitan Gary na talagang isinapuso ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko at sa mga ganitong hindi magandang pangyayari sa ating mga buhay ay kapansin-pansin lalo ang kabaitan ng mga taong katulad niya. Saludo naman ang lahat ng nakakita at nakarinig ng tungkol sa kanyang kabutihan at marami ang humihiling na nawa'y ang lahat ng mas may kakayahan sa buhay ay mamahagi rin sa mga higit na nangangailangan.


EmoticonEmoticon