Isang magsasaka mula sa Tacurong City ang ipinamigay ang kaniyang mga inaning kalabasa sa mga residente. Kahit medyo hirap din sa buhay, naisip pa ni manong tumulong sa mga mas nangangailangan. Papuri at paghanga naman ang ibinalik ng mga netizens sa kaniya. Sa panahon ngayon, kung saan halos lahat ng ating kababayan ay kapos, tila hulog ng langit ang mga taong busilak ang puso at handang mamahagi ng kanilang biyaya sa iba.
Kagaya na lamang ng Tacurongon na si Manong Victor Agpalasa, isang magsasaka sa Barangay Baras, Tacurong City. Ipinamimigay niya ang mga inani niyang kalabasa sa mga residente. Ibinahagi ng Tacurong Tambayan social media ang larawan ni Manong Victor at mga bagong ani niyang kalabasa. Alam nating hirap din ang mga magsasaka ngayon. Matumal kasi ang bentahan dahil sa lockdown subalit naisipan pa rin ni manong na ipamigay ito kaysa pagkakitaan.
Sumikat na si manong sa kanilang lugar. Ang post ng Tacurong Tambayan ay mayroon ng 7.5K reactions at 17K shares. Sana’y marami pa ang tumulad kay manong. Isa siya sa nagpapatunay na hindi kailangang maging mayaman upang makatulong. Hindi kaya ang ating gobyerno ang tugunan lahat ng ating pangangailangan kaya kailangan nating magtulungan para sa ikakaraos ng bawat isa.
Ang Tacurong City ay nag-iisang lungsod ng Sultan Kudarat sa Mindanao. Pagsasaka ng palay at mais ang pangunahing pangkabuhayan ng mga tao. Marso 25, ipinatupad ang enhanced community quarantine sa lungsod at pinalawig na rin ng Regional Inter-Agency Taskforce on Infectious Emerging Disease ng Region 12 ang ECQ hanggang April 30.
EmoticonEmoticon