Saturday, June 6, 2020

Iskolar, Ginamit Ang Scholarship Allowance Upang Makabili Ng Gatas At Kape Para Maibahagi Sa Kanyang Kapwa


Ang pagtulog sa kapwa ay walang pinipiling edad, mas maganda nga na habang bata pa lamang ay natututo na silang tumulong at makipagkapwa-tao. Minsan, mayroon talagang mga tao na inuuna nila ang kapakanan ng kanilang mga kapwa na nangangailangan kaysa sa kanilang sarili.

Kahanga-hanga ang ginawa ng isang Grade 9 student na ito dahil ibinahagi niya ang kanyang natanggap na scholarship allowance sa kanyang mga kapitbahay at sa utility workers sa kanyang pinapasukang paaralan.

Nakilala ang 15 taong gulang na mabait na bata na si Jarred Gaviola ng Muntinlupa Science High School. Noong natanggap niya ang kanyang scholarship allowance mula sa local government unit ay naisipan niya ito na gamiting pambili ng mga gatas at kape para maibahagi sa kanilang mga kapitbahay.

Dahil nakita niya ang hirap na dinaranas ng mga tao sa kanyang paligid ay naisip niyang tumulong sa kanyang mga kapitbahay lalo na ngayong panahon ng krisis. Sa murang edad ay nagsagawa siya ng donation drive upang mabigyan ng tulong ang mga taong labis na nangangailangan kasama na rito ang mga utility at canteen workers sa kanilang paaralan.

Umabot sa isang daang pamilya ang kanilang mga natulungan at nabigyan ng donasyon na naglalaman ng gatas, kape, biscuit, bigas at iba pang pangangailangan. Naging inspirasyon siya at nahikayat pa ang kanyang mga kaibigan, kaklase at kamag-anak na sumama at tumulong sa donation drive na ito.

Mayroon ding mga indibidwal na nagboluntaryo at nag-paabot din ng kani-kanilang mga tulong. Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na tumulong sa kanyang mga kapwa. Sa katunayan noong Abril sa kanyang pamumuno sa isang samahan ay namahagi rin sila ng mga gamot, bitamina, diaper at gatas sa iba't ibang pamilya at sa ilang mga senior citizens.

Tunay na kahanga-hanga ang batang si Jarred dahil bata pa lang ay busilak na ang kanyang kalooban. 

Aniya sa isang interview,

"Kahit sino man, kahit ano man ang edad mo ay maaari kang makatulong."

Magsilbi sanang inspirasyon si Jarred iba lalo na sa mga kabataan na maging mapagmalasakit sa kapwa.


EmoticonEmoticon