Bawat isa sa atin ay nangangarap na magkaroon ng sariling bahay ngunit iilan lang ang talaga namang nagkakaroon ng kongkretong plano kung paano ito maisasakatuparan.
Sa katunayan, mas marami ang nahuhumaling sa pagbili ng mga bagay na pansamantala lamang kaysa sa pag-iipon para sa pangarap nila. Ngayong panahon nga ng krisis sa ating ekonomiya at mayroon pa tayong kinakaharap na epidemya ay marami sa atin ang napagtanto kung ano nga ba ang mga mahahalagang bagay dito sa mundo.
Kaugnay nito ay isang babae ang hinangaan sa social media dahil sa desisyon nitong kumuha ng sariling bahay sa halagang 6,000 plus kada buwan!
Kung para sa ilan ay maliit na halaga lamang ito, para sa 22-taong gulang na si Cams Cruz, ito ang susi para makamit niya ang pinapangarap na bahay hindi lamang para sa sarili kundi para sa buo niyang pamilya. Matagal-tagal rin kasi silang nangupahan matapos masunog ang antigo nilang bahay noong taong 2017.
At dahil nasasayang siya sa ibinabayad na buwanang upa ay nagdesisyon siyang maghanap ng sariling tirahan.
"Isipin mo yung monthly rent, marami ka na ring magagawa at mabibili dun. Pero dahil wala kaming sariling bahay no choice kundi magbayad.", pagbabahagi ni Cams sa kaniyang Facebook post.
Marami-rami rin ang mga taong nakausap niya online at matagal-tagal rin bago niya nahanap ang tamang lugar at presyo na swak sa kaniyang budget. Nitong nakaraan lang ay ipinakita niya sa mga netizens ang bahay na kaniyang napili at ito ay isang 44sqm house & lot o 2 bedroom townhouse. Maayos ang loob ng bahay at pwedeng-pwede ng lumipat dito anumang oras.
Hindi pa man lubusang nababayaran ang kabuuang halaga ng bahay ay masayang-masaya si Cams dahil ang buwanang bayad niya 6,288 pesos sa loob ng 25 years ay hindi mapupunta sa wala kagaya ng pag-upa sa bahay na hindi naman sa kanila. Sa huli ay nag-iwan siya ng payo sa mga netizens at sinabing:
"Mas naniniwala ako na pag gugustuhin mo makukuha mo. Sipag at tiyaga lang ang kailangan."
Tunay ngang malaking tulong sa isang taong nangangarap ang sipag at tiyaga dagdagan pa ng kaalaman patungkol sa mga bagay na gusto niyang makuha. Kaya naman, kung may ninanais tayo sa buhay, hindi dahilan ang mga pagsubok kagaya ng pinagdadaanan natin ngayon para tayo ay sumuko sa halip ay gamitin natin ang panahon na ito para magkaroon tayo ng kongkretong plano.
EmoticonEmoticon