- Nakatakda ng umere sa telebisyon ang pilot episode ng "The Broken Marriage Vow," ang Philippine adaptation ng "Doctor Foster" ngayong Lunes.
- Idinetalye ni Jodi Sta. Maria ang mga aabangang pasabog at pagkakaiba ng ABS-CBN version mula sa orihinal na source material ng serye.
- Ibinunyag din ng creative head na si Lindayag na mas pinahaba ang kabuuang 'run time' ng adaptation kumpara sa "Doctor Foster."
“You haven’t seen it all, yet.”
Ito ang pangako ng “The Broken Marriage Vow,” ang Philippine adaptation ng ABS-CBN sa BBC hit drama na “Doctor Foster,” sa huling trailer nito bago ang nakatakdang pag-ere sa telebisyon ngayong Lunes, Enero 24.
Kasama sa pinakitang preview ang muling pagsasagawa ng mga hindi malilimutang eksena mula sa orihinal na British at ang South Korean adaptation nito na "The World of the Married," kasama ang parte kung saan natuklasan ng pangunahing karakter ang pagtataksil ng kanyang asawa, at ang hapunan kung saan ibinunyag niya sa kanyang asawa at sa kanyang ‘mistress’ ang lawak ng kanyang nalalaman tungkol sa kataksilan ng mga ito.
Ayon kay Jodi Sta. Maria na gaganap sa lead role bilang si Dr. Jill Ilustre, marami pang sorpresa ang dapat subaybayan bukod pa sa mga pamilyar nang eksena galing sa original na serye at sa iba pang international remakes nito.
“‘Yung mga pinakita sa trailer, ito ‘yung mga iconic scene na tumatak mula doon sa Korean adaptation and also the original ‘Doctor Foster.’ Ito ‘yung mga nakita na. Pero marami pang iba. Marami pang pasabog. Marami pang pabaon si ‘The Broken Marriage Vow’ na talaga namang kaabang-abang,” paliwanag ng aktres sa nakaraang media launch.
Ayon sa creative head na si Rondel Lindayag ay masusing nakipag-ugnayan sa BBC sa pag-adapt ng kuwento ang Dreamscape Entertainment, ang ABS-CBN entertainment unit sa likod ng "The Broken Marriage Vow," upang maging tapat ito sa orihinal habang pinalawak at binibigyan din ito ng lokal na lasa.
Idinetalye din ni Lindayag ang pagpapabalik-balik ng kanilang team sa London office ng BBC para talakayin ang mga detalye para sa nasabing adaptation, partikular na ang uri ng ‘camera’ na ginamit para sa serye.
“Every script, pinapasa namin sa BBC, tapos nag-ko-comment sila, tapos iri-revise namin. Diniscuss namin ‘yung character, in-explain sa amin kung paano sila tumatakbo, bawat isa. Team ang tingin nila doon sa mga character, meron talaga silang role na ginagampanan,” pagpapaliwanag niya.
“Lahat ng aspect prinesent namin sa kanila, even ‘yung camera na gagamitin. Ganoong level ‘yung usapan, hanggang sa kung ano ang design ni Direk Connie [Macatuno], paano gagawin ‘tong script, ano’ng babaguhin natin sa character. Siyempre, kailangan magpakita ng bago, e. Lahat iyon prinesent namin at in-approve nila. Hindi kami puwede gumalaw nang wala nilang approval, so lahat ng mapapanood ninyo ay in-approve ng London.”
Prumeno naman si Lindayag sa pagbubunyag ng mga eksenang kakaiba sa “The Broken Marriage Vow.” Gayunpaman, kinumpirma niya magiging mas mahaba ang kabuuang ‘run time’ ng ABS-CBN version kumpara sa “Doctor Foster.”
“Marami kaming natutunan sa kanila,” pagtukoy niya sa BBC. “Ang sarap nilang katrabaho, ang dali nilang kausap, ang bilis nilang makita ‘yung mga intention natin bilang Pilipino, na ganito ang gagawin natin doon.”
EmoticonEmoticon