Tunay ngang bayani kung maituturing ang ating mga guro na walang ibang hangad kundi mapabuti ang kanilang mga estudyante. Natural na sa kanila ang pagiging mapagmahal sa mga bata at puso na mapagpakumbaba.
Marami ng guro ang nagpatunay nito at isa na nga si Teacher Emiliano “Emil” Bal-iyang sa mga ito. Naging viral siya sa social media matapos maibahagi ang kakaiba niyang kwento na higit pa sa pagiging isang guro.
Mula sa kanilang bahay ay kailangan ng bumyahe ni Teacher Emil ng mahigit isang oras sakay ang motorsiklo habang tatawid ng tatlong ilog. Matapos nito ay kakailanganin pa niyang maglakad sa matarik na bundok upang marating ang kanilang paaralan.
Siya ang adviser ng Grade 6 pupils sa Lamag Elementary School, na matatagpuan sa Quirino, Ilocos Sur. Lahat ng subject para sa nasabing baitang ay siya ang natuturo at sa hapon naman ay naglalaan ng oras upang magbigay ng libreng tutor sa mga batang nahuhuli sa kanilang pinag-aaralan.
Maliban dito, abala rin sa extracurricular activities si Teacher Emil kagaya ng pagiging Councilor ng Supreme Pupil Government, trainer at athletic coach. Noong una siyang dumating sa paaralan ay napag-alaman niya na hindi ito sumasali sa kahit anong paligsaan dahil sa kakulangan ng school staff, kaya naman sa abot ng kaniyang makakaya ay sinimulan niyang turuan ang mga bata.
Nakita niya ang natatagong talento ng mga ito at sa katunayan ay madalas silang mag-uwi ng iba't ibang parangal at medalya matapos sumali sa mga kompetisyon kagaya ng chess, swimming at maging sa academic competitions tulad ng Math at Science.
Hindi pa natigil dito ang kaniyang layunin na mapabuti ang mga estudyante dahil noong 2016 ay gumawa pa ito ng maliit na fish pond at nag-alaga ng dalawang kilo na tilapia. Sa tulong rin ng mga bata ay nagkaroon sila ng mumunting hardin na mayroong mga gulay na tanim.
Dahil dito ay lubos na namangha ang kanyang kapwa guro at sila man ay nagtulong-tulong rin sa iisang layunin na mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga bata sa kanilang komunidad.
Sa katunayan, noong kasagsagan ng lockdown dahil sa pandemya ay nagdesisyon silang mamigay ng isda at mga gulay sa bawat pamilya ng kanilang mga estudyante.
Sa ngayon ay patuloy si Teacher Emil sa pagiging isang magandang ehemplo hindi lamang bilang isang guro kundi bilang isang mabuting mamamayang Pilipino.
EmoticonEmoticon